MAGSAYSAY, Davao Del Sur — Patay ang isang 16-anyos na babae habang kritikal ang kaklase nito matapos pagsasaksakin ng grupo ng kalalakihan noong Lunes nang madaling-araw matapos ang mga itong dumalo sa isang party.

Nabatid kay Senior Master Sgt. Jerome Quiapo, Magsaysay town police investigator na ang bangkay ng biktima na kinilalang si Krisna Ann Talisayan Raotraot, 16, Grade 9 student, ng Purok 7, Dalawinon ay natagpuang lumulutang sa isang creek sa Barangay Kasuga pasado ala-una ng madaling-araw.

Ang biktima, ayon kay Quaipo, ay nagtamo ng mga saksak sa dibdib, kamay at leeg.

Ang 15-anyos naman nitong kaklase na natagpuan malapit sa kinatagpuan ng bangkay ni Krisna ay nagtamo rin ng maraming sugat ngunit naisugod pa sa Davao del Sur Provincial Hospital (DSPH).

Ayon sa pulisya, galing ang mga biktima sa isang disco party at pagkatapos nito ay sumama sila sa kakilalang mga lalaki na sina Jan Michael Pakiwag Daweng, 18, Grade 12 student, residente ng Purok 7, Dalawinon, na siya ring suspek sa pana­naksak.

Bukod kay Daweng ay kasama rin nito sina Cyril John Catipay Bonzo, 18; Antonio Genoguin Sabanal Jr.; Raul Pardillo Mañacap Jr.; and John Mars Manzano.

Pauwi na umano ang dalawang dalagita kasama ang grupo ng suspek at sakay sa dalawang motorsiklo nang huminto ang mga suspek sa may creek at sinimulang halayin ang dalawang biktima.

Nang pumalag at magtatakbo ay dito na pinagsasaksak ng suspek ang dalawang dalagita.

Agad namang natimbog si Daweng at nakuha rin ang ginamit na kutsilyo sa krimen.

(PNA)