Nakitulog ang isa habang nakiinom naman ang isa pa na parehong natagpuang patay sa magkahiwalay na lugar sa Maynila.
Nabatid na dakong alas-singko kamakalawa ng hapon nang nadiskubreng patay ang biktimang si Raul Lakbay, 50, na nanunuluyan sa Leveriza Street sa Malate, Manila.
Ayon kay Merlyn Basa, 42, residente ng 1323 L. Guerrero Street, bago natagpuang patay ay nakiinom pa ng tubig ang biktima sa kanila, dakong alas-2:30 ng hapon dahil nahihirapan umano itong huminga. At nang makainom ng tubig ay pumasok ang biktima sa naturang bakanteng lote upang doon magpahinga, ngunit hindi pa nakakalipas ang isang oras nakita na itong walang buhay.
Samantala, inabot naman ng kanyang kamatayan sa bahay ng kaibigan makaraang makitulog ang isang part-time employee na si Jose Jamir Corpuz, 55, part-time employee ng SG Escolar Training Center at residente ng 4th Avenue, Cubao, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), dakong 5:30 ng madaling-araw nang matagpuang patay ang biktima sa tahanan ng kaibigang si Ronaldo Rodriguez, kasamahan sa trabaho, residente ng 4844 Mangga Street, Sta. Mesa, Manila.
Huli umanong nakitang buhay ni Rodriguez ang biktima nang humingi ito sa kanya ng isang basong tubig dakong alas-2:00 kahapon ng madaling-araw dahil masama umano ang pakiramdam nito.
Gayunman, paggising kahapon ng umaga ni Rodriguez laking gulat niya nang mapansing wala ng buhay ang kaibigan.
heat stroke