Nakipag- party saka nagbigti

Isang 23-anyos na lalaki na lango umano sa alak mula sa dinaluhang birthday celebration ng kanyang pinsan ang natagpuan ng kapatid nitong lalaki na nakabigti sa loob ng kanilang bahay sa Lungsod ng Valenzuela kamakalawa hatinggabi.

Sa ulat ng Valenzuela City Police partikular na nina PO3 Ronald Subosa at PO3 Laude Pilijera ay ganap umanong alas-12:00 ng hatinggabi nang matagpuan ng kanyang nakababatang kapatid ang biktimang si Jayvee Bruma, 23, binata, walang hanap buhay at residente ng Road II Extension, Brgy. Gen T. De Leon ng nasabi ring lungsod na nakabigti gamit ang lubid na nakatali sa handle ng dresser sa silid nito.

Agad siyang humingi ng saklolo sa kanilang mga kaanak na mabilis namang isinugod sa Calalang Ge­neral Hospital ang biktima ngunit hindi na rin ito pinalad pang mabuhay at nasawi bago pa man dumating sa pagamutan.

Napagalaman mula sa mga kaanak din ng biktima na bago ang insidente ay masaya pa umanong nakipag-inuman ang biktima sa kanyang mga pinsan na ang isa ay nagdiriwang ng kaarawan.

Hindi naman umano nila nakitang malungkot ang biktima na napag-alaman ding umuwi lang dahil nga sa birthday na dadaluhan at sa Cavite na umano ito halos namamalagi.

Bagama’t wala silang ideya kung bakit nagawa ng biktima na kitilin ang sariling buhay ay kumbinsido naman silang walang naganap na foul play sa insidente kaya’t tumanggi na rin silang isailalim sa awtopsiya ang mga labi nito.