Sa tindi ng naramdamang galit nang maaktuhang katalik ng 59-anyos niyang misis ang kanilang kumpare, nagawang patayin ng 63-anyos na mister ang ginang kahapon sa Barangay Sapangdaku lungsod ng Cebu.
Nahaharap ngayon sa kasong parricide ang suspek na si Leonides Roble, 63, matapos nitong patayin sa sakal ang misis niyang si Calixta, 59, gamit ang lubid.
Sa nakalap na report kay Police Captain Dexter Basirgo, hepe ng Guadalupe Police station, napag-alamang nagalit umano si Leonides matapos umanong mahuli ang kanyang asawa na sumisiping sa kanilang kumpare.
Sinabi pa umano ng suspek na mas nanaisin pa nitong mamatay ang asawa kesa sa mapunta at maangkin ito ng iba.
Pinalabas daw ng suspek na nagpakamatay ang kanyang asawa nang matagpuan ito ng Guadalupe PNP noong Lunes nang gabi.
Pero natukoy ng pulisya na mayroong foul play sa naturang krimen.
Mayroon ring witness na nakakita kay Leonides na lumabas sa bahay ng biktima at mistulang nagmamadali.
Nang mahuli ng mga pulis, inamin naman ng suspek ang ginawa nito.
Sinakal daw niya ang biktima gamit ang dala nitong lubid hanggang sa tuluyan na itong namatay.
Nang matiyak na patay na ang kabiyak ay saka nito tinali ang lubid sa ibabaw ng higaan para palabasing nagpakamatay ito.
Sinasabing seloso ang suspek dahilan upang maghiwalay ang mga ito.