CABANATUAN CITY — Kamatayan ang sinapit ng isang 42-anyos na construction worker makaraang barilin sa dibdib ng nakaalitan noong Huwebes ng gabi sa Purok Amihan, Brgy. Barrera sa lungsod na ito.
Batay sa ulat ni P/Supt. Ponciano Zafra, ang biktima ay nakilalang si Ariel Paraiso Tolentino, residente ng naturang lugar.
Sa imbestigasyon ni PO2 Manuel Carlos Glen Refe, dakong alas-11:45 ng gabi noong magkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang salarin na nakilala lamang sa alyas ‘Leony’.
Naging mitsa umano ng pagtatalo ang laganap na droga sa kanilang lugar at may kaniya-kaniya umanong pinaparatangan ang mga ito na humantong sa pagtatalo.
Bigla na lamang umanong bumunot ng baril ang salarin at pinutukan sa dibdib si Tolentino na nagawang tumakbo papasok sa isang eskinita para takasan ang salarin.
Wala ng buhay nang matagpuan ang nakahandusay na biktima habang mabilis na tumakas ang salarin.