Nakisakay sa lasing na tsuper, 2 babae dedbol

Dahil sa lasing na driver, patay ang dalawang babae matapos bumangga ang sinasakyan nilang tricycle noong Lunes nang madaling-araw sa national highway ng Brgy. Malasin, Bangui, Ilocos Norte.

Kinilala ni Bangui Police Station investigator P/Staff Master Sgt. Christian Yadao ang mga babaeng namatay na sina Gina Ventura at isang Jennifer.

Sa inisyal na report ayon na rin kay Yadao, nangyari ang insidente dakong ala-una nang madaling-araw sa national road ng Brgy. Malasin.

Lumabas sa imbestigasyon, galing umano sa inuman ang trike driver na si Deo Acio, 21, ng Brgy. Lanao, Bangui ng nasabing lalawigan.

Nang pauwi na gamit ang tricycle (kulong-kulong) na may plakang AQ-5182 ay nakisakay sina Ventura at Jennifer.

Habang binabagtas ang kalsada, biglang nawalan ng kontrol sa manibela ang driver dahilan upang suwagin ang konkretong bakod sa gilid ng kalsada.

Dahil dito, tumama ang mga ulo at katawan ng mga babae sa semento sanhi ng kanilang agarang kamatayan habang si Acio naman ay nakaratay ngayon sa ospital. (Allan Bergonia)