Dear Atty Claire,
May katanungan po ako meron po kasing nakatira sa lupa ng nanay ko sa probinsya po ng Aklan. Halos 20 years na sila doon pero hindi naman sila nagtatanim at wala naman kahit anong punong itinanim nila o anong produkto.
Gusto lang kasi naming paalisin na sila kasi lalong dumadagdag na po ang nagpapatayo ng bahay at hindi man lang nagpapaalam sa nanay ko.
Noong unang dumating sila nagpaalam naman po na doon muna sila titira at magpapatayo sila ng bahay kasi wla silang matitirhan kaya pinatira muna ng mga magulang ko ng libre at wala pong bayad o rental manlang sa lupa.
Ang mga katanungan ko po kung paano namin paalisin sila po, kasi gusto na ring paalisin ng mga magulang ko kasi kailangan na rin po namin yong lupa. Kaya po nakapag tanong lang kasi narinig po namin sa ibang tao na hindi na daw po sila aalis kasi nagustuhan na daw nila ang lugar doon na halos 20 years na daw sila nakatira doon kaya nagmamatigas po sila.
Atty Claire sana po matulungan mo po kami sa aming problema kung paano namin mapaalis po sila. Kompleto naman po ang titulo ng lupa ng mga magulang ko.
Maraming Salamat po, at sana po marami pa kayong matulongan na tao kagaya ko.
Gumagalang,
Ipe Nazareta
Mr. Ipe,
Ang unang gawin ng mga magulang mo ay sulatan ang taong kausap nila roon o gumawa na ng demand letter na kailangan na nilang umalis sa lupa ninyo dahil gagamitin na ninyo ang lupa. Lahat kasi ng nakatira doon ay lumalabas na napayagan dahil sa una ninyong pinayagan ang unang taong tumira doon. Kaya akin na ring iisipin na na ‘tolerate’ ang iba na tumira dahil napayagan sila ng una ninyong kausap. Lalabas kasi na sila ay tumira ‘under the rights’ o dahil sa karapatan ng taong una ninyong kausap.
Kapag ganito ang sitwasyon ay ejectment o unlawful detainer ang dapat ninyong isampa sa loob ng isang taon matapos mapadala ang demand letter.
Ngunit kung ang mga tao roon ay tumira ng walang pahintulot at tumira ng walang alam ang unang kausap ninyo ay sasampahan naman ninyo ng forcible entry sa loob ng 1 taon matapos na makapagtayo sila ng bahay o matapos na malaman ang kanilang pag okupa.
Kung lumagpas ang 1 taon ay accion publiciana na ang inyong isasampa sa korte.
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624 o 922 0245 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com