Nakukuryenteng tatay dinedma ng anak, patay

Sa pag-aakalang nagbibiro, hindi pinansin ng menor de edad na anak na babae ang kanyang tatay na nakukuryente at humihingi ng tulong sa kanya at sa halip ay ipinagpatuloy nito ang paglalaro ng games sa cellphone sa Quezon City, nitong Huwebes ng gabi.

Ayon kay PSSg. Anthony R. Tejerero, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang namatay na ama ay nakilalang si Mariano Carlon, 51, caretaker at residente sa No. 317 Roosevelt Ave., Brgy. San Antonio, QC.

Sa report, dakong alas-8:20 ng gabi (Dis­yembre 19) habang nagkukumpuni ng electrical wiring extension ang biktima sa loob ng kanilang tahanan at katabi lamang ang anak na babae ay nakuryente ito.

Habang nakukuryente ay nagawa pa umanong magsalita at humingi ng tulong sa kanyang anak ng biktima subalit tiningnan lamang ito at muling naglaro ng games sa cellphone sa pag-aakalang nagbibiro lamang ang kanyang tatay.

Sa paglabas naman ng misis ng biktima na si Aling Rosie at napansin ang mister na nangi­nginig habang hawak ang electrical wire ay agad niyang binunot sa saksakan ang kable.

Pagkabunot sa saksakan ay bumagsak ang biktima at nawalan ng malay kaya isinugod sa Quezon City Gene­ral Hospital subalit binawian din ng buhay bandang alas-9:20 ng gabi, ayon kay Dr. King Y Soon. (Dolly Cabreza)