Napanaginip ko pong nakakulong ako sa isang malaking kahon parang container van pero hindi siya metal kundi kahoy. Ikot ako nang ikot sa loob pero wala akong makitang pintuan at hindi ako makalabas. Nagpapanik na ako at para na akong nasasakal at doon na po ako nagising.

Pia

Ang panaginip tungkol sa isang kahon ay kadalasang sumisimbolo sa mga itinatago pero dahil ang panaginip mo ay nasa loob ka ng kahon, indikasyon naman ito na meron kang ‘fear of the unknown.’

Sa mga nangyayari ngayon kung saan may quarantine, may lockdown at may restriksyon sa ating mga kilos, hindi na nakakabigla ang iyong panaginip.

Karamihan ngayon ay nakakaramdam ng pagkasakal dahil hindi na magawa ang mga karaniwang ginagawa tulad ng pagbibiyahe, pagpunta sa mall at iba pang pamamasyal. Ang mga taong sanay na lumalabas-labas ng biyahe ay nakakaramdam ng ganitong pagkasakal.

Ang takot na nararamdaman ng karamihan tungkol sa coronavirus, ang mga balitang araw-araw nating nalalaman kung saan parami nang parami ang namamatay at nagkakasakit ay posibleng naging trigger din sa iyo para magkaroon ng ganitong panaginip dahil merong ‘fear of the unknown.’

Dahil ang mga panaginip ay kadalasang naiimpluwensyahan ng mga nangyayari sa ating paligid, posible dito nag-ugat ang iyong panaginip.

Kung wala ka namang takot na nararamdaman sa kasalukuyang sitwasyon ng buong mundo, posibleng ang iyong panaginip ay may kinalaman sa mga frustrations tulad halimbawa sa iyong career na hindi umuusad, sa isang relasyong nakakasakal at mga kahalintulad na sitwasyon. Maari ring ikonek ang ganitong panaginip sa mga taong may bisyong hindi nila magawang takasan.

Sa kabuuan, ang feeling na na-trap ka sa loob ng kahon ay paalalang kailangan mo ring ipahinga ang isip. Alisin muna ang anumang nagdudulot sa iyo ng stress. Gamitin ang mga araw na ito para makapagrelaks at magkaroon ng positibong pananaw sa buhay.

Dream Catcher
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.