Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang lasing na lalaki makaraang masagasaan ito ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa Barangay Buli, Muntinlupa City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PNR Officer-In-Charge Jo Geronimo ang biktima na si Relbin Buhay, 25, at naninirahan sa nasabing lungsod.

Batay sa ulat, dakong alas-7:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa Barangay Buli, Muntinlupa City.

Lumalabas sa im­bestigasyon na kasalukuyang naka-upo si Buhay sa riles ng PNR site sa bahagi Southbound lane.

Ilang sandali pa, sumi­serena na ang dumarating na tren na may Body No. 5, subalit hindi umano umalis ang biktima sa kinauupuan nito.

Nasapul hanggang sa pumailalim at masaga­saan ng tren ang biktima at magkalasug-lasog ang katawan nito.

Ayon kay Geronimo, hindi umano napansin ng train operator ang nakaupong biktima hanggang sa masagasaan na nga ito.

Sa ngayon ay masu­sing inaalam ng mga imbestigador kung sadya bang nagpasagasa ang biktima o dala ng sobrang kalasingan ay nakatulog ito nang nakaupo sa riles kaya hindi namalayan ang paparating na tren.