Muling umiinit ngayon ang usapin ng Charter Change (Cha-cha) na naglalayong baguhin ang sistema ng gobyerno tungo sa federalism.

Ang mga senador at kongresista ay nagpapatutsadahan ngayon dahil na rin sa paha­yag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na maaaring ipilit ng pag-aapruba ng federal draft constitution kahit hindi lumahok ang Senado.

Pinalutang din ng posibilidad na mag-convene ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa mismong araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa July 23 araw ng Lunes.

Dahil dito ay nagbanta si Senate Mino­rity Leader Juan Miguel Zubiri na maaaring mag-walk out ang mga senador kapag ipinilit ito ng mga kongresista.

Pero nalilihis na naman ang isyu at natatapalan ang tunay na usapin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin sa bansa.

Ang masang Filipino ay patuloy na naghihirap at naghihintay sa mga gagawing aksiyon ng gobyerno kung papaano maiibsan ang kahirapang ito at higit sa lahat ay kung papaano mapipigilan ang patuloy na pagsirit ng mataas na presyo ng bilihin at serbisyo.

Ang singil sa pasahe ay nangyari na sa pampasaherong jeepney at humihirit din ang UV express na susundan ng taxi, bus at iba pang pampublikong sasakyan.

Sana, sa halip na magbangayan ang mga senador at kongresista sa isyu ng federalism ay unahin muna ang mga hakbang kung papaano maiibsan ang problema sa mataas na bilihin at serbisyo sa bansa.

Isantabi na muna ang Cha-cha at hindi naman kailangang ito ay apurahin dahil kailangan dito ang mai­ngat at masinsi­nang pag-aaral dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng mga Filipino.