Naliitan sa sahod, biyudo nag-suicide

Dahil sa kakarampot umanong tinanggap na sahod, nagpasyang magbigti ang isang balo sa Paoay, Ilocos Norte noong Huwebes.

Ayon sa Paoay Police Station (PPS) commander P/Lt. Rodel Baradi, ang biktimang si Randy (di tunay na pangalan) ay nasa edad 59.

Ayon kay Baradi, bago maganap ang pagpapakamatay, nalaman umano na ang biktima ay nagrereklamo sa maliit na sahod na kanyang tinatanggap mula sa binabantayang bahay.

Sinabi ng PPS, bukod sa maliit na sinusuweldo, may problema umano sa kanyang anak at sa kapitbahay nila ang biktima.

Batay sa imbestigasyon, ginamit ni Randy sa pagbibigti ang sinturon na itinali nito sa kanyang leeg at ibinitin sa isang kahoy sa labas ng binabantayang bahay.

Sinubukang isugod sa pagamutan ang biktima ngunit siya ay dead-on-arrival na, ayon sa mga doctor. (Allan Bergonia)