Dear Atty. Claire,

Magandang araw po sa inyo.

Sabihin na nating ­naloko ako ng isa ­nating kababayan dahil sa ­tiwala. Ito po ang nangyari. May nakilala ako sa Facebook at base sa kanyang pakilala ay isa siyang flight ­stewardess. Sabihin na nating nagkapalagayan kami ng loob hanggang sa tumatawag na siya sa akin.

Dumating ang pagkakataon na mag-a-apply siya sa ibang airline at nangangailangan ng ­tulong pinansiyal. Pina­dalhan ko siya sa pamamagitan ng kanyang kamag-anak at umabot ng mahigit P100,000 ang nahiram sa akin.

Ang sabi niya, ba­bayaran din ako kapag nakuha na niya ang ­huling suweldo sa ­dating pinasukan. Ngunit ang nangyari ay hindi ko na siya makontak sa Facebook.

Inaamin ko po na nagtiwala ako sa kanya dahil akala ko ay mabuti siyang tao.

Ano po ang habol ko sa kanya? Hindi ko alam ang tunay niyang ­pangalan at larawan lang ang mga pinadala niya sa akin.

May mga resibo po ako na nagpapatunay na pinadala ko ang pera sa kanyang kamag-anak.

Umaasa po ako sa ­inyong sagot.
Ariel

Dear Ariel,

Nalulungkot naman ako sa nangyari sa inyo dahil masyado kayong nagtiwala sa pamamagitan lang ng Facebook samantalang hindi mo man lamang nakuha o nalaman kung ito nga ang ­tunay niyang pangalan. Maraming gumagamit ng ibang identity na mga ­manloloko.

Ang gawin mo na ­lamang ay ­kumpletuhin mo ang mga facts o ­record kung saan, kanino at paano mo pinadala ang pera sa ka-Facebook mo para ma-trace kung totoong may tao na ganyan ang pangalan at identity.

Makikita rin natin sa ahensiya kung saan mo pinadaan ang pera, ang tunay na identity ng ­taong kumuha ng pera na pinadala mo dahil kumukuha sila ng mga dokumento o ID ng kanilang pagkakakilanlan.

Kapag nakuha mo ang identity ng taong nakakuha ng pera mo ay maaari kang magpatulong sa National Bureau of Investigation upang ma-trace ang kinaroroonan ng mga nanloko sa iyo at maaari pang masampahan ng swindling o estafa.

Pinili ko na ­ilathala ang kuwento mo upang mabigyan na rin ng warning ang iba ­nating kababayan ng iba’t ibang klase ng ­panloloko gamit ang social media.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.