Mailap ang ginto kahit nakapagwagi ng anim na medalya ang Philippine Youth track squad sa pangunguna ni sprinter Princes Jean Nalzaro na nakasungkit ng medalyang pilak Sabado, Marso 2, sa unang araw ng aksyon ng Southeast Asian Youth Championships na isinasagawa sa world class at international standard na City of Ilagan Sports Complex.

Ang 15-anyos na si Nalzaro, na mula Cebu City at Grade 9 sa Buanoy National High School, ay nagtala ng 15.61 segundo sa girls 100m hurdles upang ibigay sa National Youth squad ang pinakamataas na kulay ng medalya para sa delegasyon. Limang iba pa ang nagwagi ng tanso para sa pambansang koponan.

“Kinakabahan po ako kasi first time ko lang po sumabak dito sa SEA Youth,” sabi ni Nalzaro, na mula sa Balamban, Cebu City at bunso sa apat na magkakapatid. “Iniaalay ko po ang medalya sa mama ko na OFW sa Saudi na si Eleonor kasi siya po ang idol ko. Dati po siya sumasali sa 100m hurdles pero hanggang sa regionals lang siya.”