Dear Dream Catcher,
Ano po ang ibig sabihin ng napanaginipan kong namatay ang aking anak pero kasama ko pa rin ang kaluluwa nya sa panaginip ko at ayoko daw pong tanggapin sa panaginip ko na namatay siya kaya’t iyak ako ng iyak hanggang sa paggising ko.
At eto pa po ano po ang ibig sabihin ng panaginip na hindi po ako kilala ng taong mahal ko sa aking panaginip at may kasama siya na ibang babae ?
Nica
Dear Nica,
Ang iyong panaginip kung saan namatay ang iyong anak ay hindi isang omen na dapat mong katakutan. Ang mga ganitong panaginip ay kadalasang tungkol sa iyo. Ano ang representasyon ng iyong anak sa buhay mo?
Hindi mo nabanggit kung ang anak mo ay isang bata at kung siya ay bata pa, ang isang bata sa panaginip ay sumisimbolo sa kasiyahan kung saan kapag kausap mo siya ay punumpuno siya ng mga ideyang at pagkamangha sa mundo.
Ang kanyang pagkamatay sa iyong panaginip ay indikasyon naman na sa iyong aktuwal na buhay ay nawawala na ang ganitong uri ng kasiyahan at iyon ang nirerepresenta ng pagkamatay ng iyong anak.
Maaring sa buhay mo ay nawawalan ka na ng sigla at ikaw lamang ang makakatukoy kung ano itong tunay na nawala sa iyo. Pag-aralan mo ang iyong sitwasyon at tingnan mo kung saan ka nawawalan ng gana, kung saang bahagi ng buhay mo nararamdaman ang kawalan, ang kakulangan.
Ang kamatayan ay simbolo rin ng pagbabago kaya tingnan mo rin kung saan bahagi ng buhay mo nagkakaroon ng pagbabago at dito mo maikokonek ang iyong panaginip.
Ang iyo namang ikalawang panaginip kung saan hindi ka kilala ng iyong mahal at may iba siyang babae ay nagpapakita ng insecurities mo. Ipinapakita lamang ng iyong panaginip na sa aktuwal na buhay ay meron kang pagkabalisang nararamdaman.
Aralin mo ang kasalukuyan mong relasyon. Sino ang tunay na nanlalamig, ikaw ba o ang iyong mahal. Ang ating mga panaginip ay madalas na paalala ng ating subconscious. Kung sa likod ng isip mo ay nakakaramdam ka ng panlalamig sa iyong relasyon dito mo puwedeng ikonek ang iyong ikalawang panaginip.
Ikaw pa rin ang tanging makakapagbigay ng eksaktong kahulungan ng iyong panaginip. Ang dalawa mong panaginip ay parehong tumutukoy sa iyong emosyon. Ikaw ang makakatukoy kung saan nanggagaling ang anxiety na ipinakikita ng iyong dalawang panaginip.
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.