Dear Dream Catcher,
Napanaginipan ko po ang pinsan ko na meron po kaming ka-chat at nakipag-meet siya rito. Tapos hanggang bigla ko na lang siyang hindi nakita or hindi na nagparamdam. Hindi ko rin makontak ‘yung phone. At hanggang sa natagpuan na lang ‘yung katawan niya sa ilog. At patay na. Hindi daw ako makapaniwala sa nangyari at natakot akong sabihin ‘yung nangyari na patay na siya. Hoping na maliwanagan po ako.
Reggie
Kung ang iyong pinsan ay hindi mo madalas makasama, ang iyong panaginip ay puwedeng ikonek sa iyong pangangailangan na makasama ang iyong mga kapamilya. Maaring nakakaramdam ka ng pangungulila.
Pero kung ang iyong pinsan at madalas mong makasama at ang iyong panaginip tungkol sa pakikipag-chat at pakikipag-meeting sa inyong mga ka-chat ay madalas ninyong ginagawa, ang iyong panaginip ay hindi na nakapagtataka.
Sa halip maituturing lamang itong ekstensyon ng kung anong ginagawa ninyo ng iyong pinsan pag magkasama kayo.
Ang bahagi naman ng iyong panaginip kung saan may nangyaring masama sa iyong pinsan matapos siyang makipag-meet sa kanyang ka-chat ay mensahe ng iyong subconscious.
Kung nadadalas ka o ang iyong pinsan na makipag-chat sa mga hindi nyo kilala at makipag-meet sa mga ito, ang iyong panaginip ay paalala ng iyong subconscious. Posibleng ito ang kinatatakutan mo—ang may mangyaring masama sa isa sa mga pakikipagkita nyo sa inyong mga nakaka-chat.
Hindi rin ito kataka-taka dahil marami nang nabalita kung saan napahamak ang isang tao dahil sa pakikipagkita sa kanyang ka-chat. Kung ganito ang sitwasyon mo, ikaw pa rin ang tunay na nakakaalam. Kaya naman kung sa aktuwal na buhay ay nakikipagkita ka o ang iyong pinsan sa mga nakaka-chat ninyo online, pakinggan mo ang mensahe ng iyong subconscious—maging maingat!
Dream Catcher
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang espiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.