Dear Atty. Claire,
Ask ko lang po namatay ‘yung mother ko at bigla na lang lumabas na may utang siya sa isang tao. Sulat kamay at pirmado ng mother ko at ng inutangan niya daw. Ito ay nasa isang index card at ang nakakaalam lang ng utang ay silang 3 lang, ang mother ko ‘yung mag-asawang inuta­ngan. Nu’ng namatay ang mother ko sinabi sa amin ng inutangan ang tungkol dito. Ngayon po may legal responsibilities pa ba kaming pamilya. Buhay pa po ang father ko.

Marami pong sa­lamat,
Andrew

Mr. Andrew,
Kung totoong nakautang ang nanay ninyo ay mananatiling utang niya ito at dapat bayaran. Ang tanong ay kung saan kukunin ang pambayad at sino ang may obligasyon na magbayad. Ang naiwang mga kamag-anak ba ay dapat na singilin sa utang ng namatay na mahal sa buhay?

Kung ang utang ay tunay at hindi gawa-gawa lamang ay dapat mabayaran ito ngunit ang pambayad ay manggagaling sa ari-arian ng nanay mo. Halimbawa ay may naiwang pera sa bangko o kaya naman ay may personal na gamit na maaaring ibigay na pambayad. Kung walang anumang naiwan na ari-arian ang nanay mo ay hindi ito maaaring singilin sa naiwang kamag-anak dahil ang utang ay hindi namamana. Kung ang pera na inutang ay napakinabangan ng pamilya ay dapat na mapatunayan muna ito ng nagpautang at kung sakaling mapatunayan na nagamit ng nanay mo ang pera para magbenepisyo ang pamilya ay maaaring singilin ito sa conjugal property ng mag-asawa (nanay at tatay mo) kung mayroon man. Kung walang ari-arian ay walang magagawa ang nagpautang.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 9220245/5142143 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.