Umakyat na sa 15 ang naitalang namatay na preso sa loob ng kulungan sa Cavite.

Nadagdag sa bilang si Reynaldo Peñaflorida, 32, nakakulong sa Dasmariñas City Custodial Center matapos umanong makaramdam ng hirap sa paghinga at mawalan ng malay, dakong alas-5:36 Sabado nang hapon. Dinala ito sa pagamutan ngunit nasawi habang ginagamot.

Nabatid na nakulong si Peñaflorida noong Pebrero 21, 2019 dahil sa kasong may paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa kabuuang bilang ng naitalang namatay na preso sa mga custodial center sa Cavite mula Enero, nakapagtala ng siyam ang Dasmariñas City Custodial Center, habang 4 naman sa Bacoor City Custodial Center, 1 sa Imus City Jail at 1 sa BJMP Custodial Center sa Silang, Cavite.