Hindi kinaya ng isang preso ng Manila Police District (MPD) Station 9 ang matinding init ng panahon dahilan upang big­la na lang itong atakihin sa loob ng siksikang kulungan kahapon ng umaga sa Malate, Maynila.

Mabilis pang naisu­god sa Ospital ng Maynila ang biktimang si John David Gagalangin, 31, residente ng Unit J8, Tower 1, Legaspi Village, Legaspi Street, Makati City ngunit nasawi rin ito.

Ayon kay SPO1 Bernard Cayabyab ng MPD – Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na dakong alas-7:37 ng umaga nang ideklarang patay ni Dr. Marlon Arcegono ang biktima.

Dahil sa dumaing umano ng pananakit ng dibdib at hirap sa paghi­nga ang biktima kaya’t isinugod ito sa pagamut­an ni PO1 Mark Edwin Orongan dakong 2:30 ng madaling-araw.

Kaagad naman itong nilapatan ng lunas ng mga doktor ngunit binawian rin ng buhay.

Posible umanong hindi nakayanan ng biktima ang sobrang init ng panahon dahil siksikan na ang mga preso sa bilangguan dahilan upang bawian ito ng buhay.

Kapansin-pansin rin ang mga pigsa nito sa katawan na karaniwang sakit ng mga bilanggo.

Nalaman na si Gagalangin ay inaresto at ikinulong noong nakaraang buwan lamang dahil sa kasong estafa with physi­cal injuries.