Patay ang isang guwardiya matapos magbaril sa sentido sa loob ng comfort room ng pinaglilingkurang bangko kahapon nang umaga sa panulukan ng Nakpil at Taft Avenue,Malate,Maynila.
Sa imbestigasyon ni PCMS Jonathan Bautista, ng Manila Police District-homicide section, wala nang buhay nang makita si Ferdie (‘di tunay na pangalan), taga-Sta. Ana, Maynila ng katrabaho na si Fatty John Subron, 29-anyos, na nakahandusay sa banyo, duguan ang ulo habang nadaganan ang kanyang service firearm.
Nabatid na naganap umano ang insidente dakong alas-8:59 nang umaga habang papabukas na ang China Bank na pinaglilingkuran ng biktima.
Ayon sa ina ng biktima, bago nagpakamatay ang anak ay nagpaalam pa ito sa kanya na gusto na niyang sundan ang 3-buwang gulang ng anak na namatay sa pneumonia noong Setyembre 2018.
Pinayuhan pa umano nito ang biktima na huwag iyong gawin dahil maari pa naman siyang magkaroon muli ng baby.
Nalaman na ilang araw na umanong matamlay, walang ganang kumain at hindi lumalabas ng kuwarto ang biktima hanggang sa pumasok ito sa kanyang trabaho kahapon.
Sinabi ni Subron na dumating ang biktima dakong alas-7:30 nang umaga at nagsabay pa umano silang nagkape. Habang pabukas na ang bangko ay nakita pa niya na inaayos ng biktima ang uniporme nito saka pumasok sa CR.
Ilang sandali pa ay nakarinig na siya ng putok hanggang sa madiskubreng nag-suicide si Ferdie.(Juliet de Loza-Cudia)