NAMBASTOS KAY MISIS PINATAY

long-knife

Kamatayan ang inabot ng isang water deli­very boy nang saksakin ng kapitbhay na umano’y naburyong nang marinig nitong binabastos at minumura ang kanyang asawa kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Hindi na umabot nang buhay sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Guillermo Abordo Jr., 34-anyos, naninirahan sa FB Harrison St., Barangay 13, Zone 4 ng nasabing lungsod sanhi ng isang tama ng saksak sa dibdib.

Agad naman nadakip ang suspect na nakila­lang si Jaime Picana y Cinco Jr., 49-anyos, tricycle driver, at naninirahan sa NO. 2297 FB Harrison St. ng nasabing lungsod.

Base sa imbestigasyon nina SPO2 Genomar Geraldino at SPO1 Giovanni Arcinue ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa labas ng bahay ng suspect sa nasabing lugar.

Lumalabas sa imbestigasyon, kasalukuyang nakatayo ang biktima sa harapan ng kanilang bahay nang dumating ang suspect na umano’y nakainom.

Nakita ng suspect ang biktima at kinumpronta nito hinggil sa umano’y ginagawang pambabastos at pagmumura sa kanyang si ‘Julie’, 47-anyos, hanggang sa nagtalo ang mga ito.

Sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo hindi sukat akalain ng biktima na armado pala ng patalim ang suspect at dito na siya inundayan ng saksak sa dibdib.

Duguang bumulagta ang biktima na kung saan agad itong isinugod sa nasabing pagamutan subalit sanhi ng matinding tama ng saksak sa dibdib ay hindi na ito umabot nang buhay.

Habang ang suspect naman ay agad na naaresto dahil sa maagap na pagresponde ng mga barangay tanod at mga awtoridad.

Base naman sa paha­yag ng suspect, lagi na lamang niyang nakikitang binabastos ng biktima ang kanyang misis.

“Lagi ko pong nakikitang binabastos at minumura ni Guillermo ang aking asawa na wala naman akong alam na dahilan para gawin niya ito pero pinapalagpas ko po ito. Ngunit kagabi ay muli na naman niya pong inulit na minura ang aking asawa hanggang sa nagdi­lim na ang paningin ko at napatay ko siya,” paha­yag ng suspect habang ito ay nakakulong sa tanggapan ng SIDMB.

Bukod pa dito, manliligaw ng 25-anyos na da­laga na anak ng suspect ang biktima at magkapitbahay pa ang mga ito.

Narekober naman ng mga awtoridad ang gi­namit na kitchen knife na may 15 pulgada ang haba nito sa pinangyarihan ng insidente.

Sa ngayon ay patuloy pa ring nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad habang sasampahan naman ng kasong murder ang suspect sa Pasay City Prosecutor’s Office.