Nambatac ginanahan kay Miller

Ganado si Letran star Rey Nambatac dahil sa kanilang gym sa Intramuros, Manila hinarap ang College of Saint Benilde sa NCAA on Tour ng 93rd season ng men’s basketball.

Bukod sa hiyawan ng mga fans, malaking tulong din ang presensya ni former Letran star Willie Miller sa ipinakitang tikas ni veteran at graduating na si Nambatac.

“Palagi akong kinakausap ni Willie, (Miller) kapag nilalabas ako ni coach (Jeff Napa) malaking bagay yung mga sinasabi niya sa akin,” ani Nambatac, “Sabi niya mas lalo pa raw akong maging agresibo”.

Umarangkada si Nambatac ng 31 puntos, 11 rebounds at limang assists sapat para bitbitin ang Letran sa 3-3 karta at manatiling nasa tersero ng team standings.

“Ang sarap maglaro kasi nandito tayo sa lugar natin kaya halos lahat naman ganado, nung umpisa lang medyo may gigil,” wika ni Nambatac na susubok pumasok sa PBA.

Hawak ng Knights ang anim na puntos na abante, 80-74, inilayo pa ito ni Nambatac matapos isalpak ang kanyang trey, 83-74 may 3:38 minuto na lang sa fourth period.

Masaya naman si Napa sa ipinakita ng ibang players nito tulad nina Bong Quinto, Daryl Pascual at Jeo Ambohot na nagtala ng 14, 12 at 11 markers ayon sa pagkakahilera para sa Letran.

“Rey Nambatac is Rey Nambatac. We just need the other players to compliment his game,” saad ni Napa, “Kailangan talaga may susuporta kay Rey.”