Dear Tonite,

Magandang araw sa mambabasa ng Tonite… isusumbong ko lang ang aking nakita sa tapat ng Isetann Recto na nandoon pa rin ang mga namemeke ng papeles tulad ng Transcript of Record, mga ID at diploma.

Nagtatago lamang sila sa legal nilang negosyo na pagawaan ng mga invitation sa kasal o birthday, medal at trophy. Pero kung iikot mo ang mga iyong mata sa kanilang tindahan ay makikita mo may naka-display na mga diploma ng iba’t ibang unibersidad at ID.

Siguro pag nandiyan ang mga awtoridad ay kanila itong itinatago at pag wala na ay saka lamang nila ilalabas. Kamakailan lamang ay nabasa ko sa diyaryong ito ay nakahuli ang mga taga-city hall ng Maynila ng ilang namemeke, sana ay patuloy nila itong gawin at galuga­ring mabuti ang lugar na iyon upang mawala ang mga iligal na gawain.

Nakakatakot pa naman doon sa lugar na ‘yon dahil parang medyo madilim kahit may araw at lalo na sa gabi, hindi ako naglalakad sa lugar na iyon na para bang laging may nakaabang o kaya’y parang hahablutin ka na lang bigla para holdapin.

Sana ay magkaroon ng ilaw sa lugar na iyon para hindi pamugaran ng mga snatcher o masasamang-loob at minsan ay napakaraming basura pa roon at amoy ihi pa.

Sana magawan ng paraan ng Lungsod ng Maynila. Salamat po.
Laking Tondo