Namimigay kami food, sinulsulan lang sila – Joy Belmonte

Pinabulaanan ng pamahalaang lokal ng Quezon City ang paratang ng mga inarestong raliyista mula sa Brgy. Bagong Pag-asa na kaya sila lumabas at nagsagawa ng protesta sa kabila ng enhanced community quarantine ay dahil hindi nakatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.

Paliwanag ni Mayor Joy Belmonte, sa katotohanan ay patuloy ang kanilang pamimigay ng mga food pack sa mga pamilya na apektado ng lockdown.

Sinabi pa nito na batay sa guidelines ng Commission on Audit (COA)m lahat ng tatanggap ng food pack ay kailangang naka-dokumento na kanila namang sinusunod at maaaring pakita para sa transparency.

Gayunman, inatasan ni Belmonte ang kaniyang mga tauhan na rebyuhin ang mga listahan upang matiyak na lahat ay nabibigyan ng tulong ng pamahalaang lokal.

Nauna rito ay pinagdadampot ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang 21 raliyista na pawang residente ng Brgy. Bagong Pag-asa nang lumabas sa kanilang mga tahanan at nagsagawa ng kilos-protesta dahil hindi umano sila nakatatanggap ng tulong mula sa pamahalaang lokal ng Quezon City.

Kaugnay nito, sinabi ng tanggapan ni Belmonte na mayroong nagsulsol o nag-udyok sa mga residente para magprotesta.

Batay sa inilabas na pahayag ng tanggapan ni Belmonte hinggil sa insidente, mayroon diumanong nagbuyo sa mga residente para mag-rally at sabihing hindi pa namimigay ang pamahalaang lokal ng mga food pack sa kanilang lugar.

Gayunman, nang kuwestyonin umano ang mga ito ay inamin ng ilan sa kanila na may natanggap nang food pack.

Inaresto ang mga nag-rally subalit hiniling ni Belmonte na palayain ang mga ito para sa `humanitarian reasons’ bagama’t binalaan ang mga residente na paglabag sa batas ang kanilang ginawa sa ilalim ng Revised Penal Code at Bayanihan to Heal As One Act na may katumbas na parusa. (Dolly B. Cabreza)