Dumarami na ang mga ­nagtutungo sa tinaguriang ‘fireworks capital’ sa ­Bocaue, Bulacan para mamili ng mga paputok at pailaw na gagamitin sa ­pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay Jovenson Ong, ­presidente ng Pyrotechnic Regulatory Board ng ­Bulacan, pinakamarami sa binibili ay mga fountain, sparkler, at malalaking aerial fireworks display.

Inaasahan aniya ng mga nagnenegosyo ng paputok sa Bocaue na mas dadagsa pa ang mga mamimili ngayong Lunes.

Pero sinabi naman ni Justina Gabuyo, director ng Philippine Pyrotechnics Ma­nufacturers and Dealers Association Inc. at may-ari ng Global Fireworks and ­Trading sa Bocaue, na mas kaunti ang namimili ngayon kumpara sa mga ­nakalipas na taon.

Dati rin aniya na Disyembre 15 pa lang ay 24 oras nang bukas ang mga ­tindahan ng paputok sa Bocaue. Sa ­ngayon aniya, saka lang nagbukas ng 24 oras ang mga tindahan pagkatapos ng araw ng Pasko.

Mas mababa rin aniya ang presyo ng mga fireworks product ngayon kumpara sa mga nakalipas na taon.

Pero best seller pa rin ang mga ­tradisyunal na luces na nabibili sa ­halagang P15 hanggang P35 kada ­bundle at silver fountain na halagang P15 hanggang P25. (PNA)