Kumakalat ngayon sa Facebook ang babala ng isang netizen tungkol sa isang babaeng suspek sa pamumugot sa isang kasambahay sa Ayala Alabang, Muntinlupa City na sangkot din sa kaso ng carnapping.

Batay sa isang Facebook page, naispatan ang suspek na kinilalang si Aleli Froilan Yap habang nagmamaneho ng isang sports car sa Commerce Center sa Alabang dalawang linggo na ang nakaraan.

Nabatid na ang naturang babae ay sangkot din sa pag-carnap sa mamahaling sasakyan ng isang negosyante sa Alabang.

Una na ring iniulat ng National Bureau of Investigation na ginagamit ng suspek ang kanyang ‘charm’ sa carnapping modus nito.

Ang ginagawa umano ng suspek ay magpapanggap na bibili ng sasakyan at iti-test driver ito.

Pinakahuling nabiktima ng suspek ang isang negosyante sa Alabang na pinangakuang babayaran ang sasakyan nito kinabukasan pero hindi na binalikan matapos tangayin ang kotse. Kalaunan ay natuklasan sa follow-up operation ng mga pulis na binenta na ng suspek ang tina­ngay na sasakyan.

Tinukoy din ang nasabing babae na siyang pangunahing suspek sa pamumugot sa isang kasambahay sa Ayala Alabang noong 2017.

Matatandaan na inatasan noon ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang NBI para magsagawa ng parallel investigation sa kaso ng pinugutang kasambahay na nakilalang si Richelle Sagang, 17-anyos at tubong Zamboanga del Norte.

Ayon sa inisyal na ulat, binaril muna sa noo bago pinugutan ang biktima saka itinapon ang ulo nito sa isang creek sa Makati City habang sa Bulacan naman ang katawan.

Nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang ama na si Noel Sagang matapos makita ang ulo nito gayundin ang katawan sa pamamagitan ng nunal sa braso.

Ang suspek na si Yap umano ang dating amo ng biktima na nagtrabaho sa kanya bilang kasambahay.

Sabi ng mga netizen, gumagamit ng iba’t ibang pangalan ang suspek sa kanyang social media account.

May mga dating kamag-aral din umano ito na nagsabing dumaranas ng sakit sa utak ang suspek.