Sinampahan na kahapon ng kasong frustrated homicide at attempted homicide ng pulisya ang lalaking nanaksak sa mag-ama matapos makipagtalo kaugnay sa tinanggap na ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng pamahalaan.

Nag-ugat ang ginawang pananaksak ni Peter Tolentino, 46, sa mag-amang sina Arnel Lubiano, Sr., 54 at anak niyang si Leo, 31 sanhi ng mainitang pagtatalo kaugnay sa ipinamahaging ayuda ng pambansang pamahalaan

Bago nangyari ang insidente noong Sabado, dakong alas-4:30 ng hapon, nagkaroon ng kasunduan ang mga nakatakdang tumanggap ng ayuda na pawang naninirahan sa isang compound sa Brgy. Sto Niño na pagkalooban ang may 15 pang pamilyang nasa loob ng compound na hindi napabilang sa benepisyaryo bilang tulong.

Lahat ng nakatakdang tumanggap, kabilang si Tolentino, ay nagkasundong magbigay ng tig-P1,300 upang mapaghatian ng mga hindi nakatanggap ng ayuda.

Gayunman, nang matanggap na ni Tolentino ang P8,000 cash sa ilalim ng SAP, nagbago na ang tono ng kanyang pananalita at tumanggi nang ibigay ang kanyang parte sa batang Lubiano na naatasang kolektahin sa mga benepisyaryo ang para sa mga hindi nakatanggap, na naging dahilan ng kanilang mainitang argumento.

Sa gitna ng pagtatalo, pumasok ng bahay si Tolentino at paglabas ay armado na ng patalim at pinagsasaksak si Lubiano.

Nasaksihan naman ng ama ng biktima ang pananaksak kaya’t tinangka niyang awatin ang suspek subalit siya naman ang inundayan ng isang saksak sa kaliwang braso.

Naaresto naman ng mga rumespondeng barangay tanod ang suspek at nabawi sa kanya ang ginamit na patalim habang isinugod sa Ospital ng Paranaque si Leo. Sa Las Piñas District Hospital naman ang kanyang ama na kapwa nasa maayos ng kondisyon. (Edison Reyes)