Kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos masentensyahan ng pangmamaltrato at pag-torture sa dalawang kambing matapos magbunga ang isinampang kaso ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa Binangonan Regional Trial Court sa Binangonan, Rizal.

Nag-ugat ang kaso matapos magsampa ng rekla­mong animal abuse ang pamunuan ng PAWS na umano’y pangmamaltrato ni Andres Paralejas, laborer, ng Binangonan, Rizal na naganap noong 2008.

Base sa dokumentong isinampa ni PAWS Executive Director Anna Cabrera, may nakasaksi sa ginawang pang-aabuso ni Paralejas sa dalawang kambing na kung saan ay pinagsasampal nito, sinipa at pinagsusuntok ang dalawang kambing na naganap noong Oktubre 19, 2008 habang napag-alaman na buntis pa ang isang kambing na maagang napaanak dahil sa ginawa ng suspek.

Matapos ang pangmamaltrato ay dinala na lamang umano ang mga kambing sa slaughter house para katayin dahil sa panlulumo nito dahil sa pananakit ng suspek.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang akusasyon subalit hindi ito kinatigan ng korte ­dahil sa salaysay ng mga nakasaksi at nagreklamong tauhan ng PAWS.

Maliban sa kasong pang-aabuso, napag-alaman din ang pangmamaltrato ng suspek na kung saan ay nakita rin na pinapakain ng bato ang mga kambing na ikinasawi ng isa.