Nitong nakaraang Linggo, Oktubre 20 nag-rematch ang Ateneo Blue Eagles at UE Red Warriors sa 82nd UAAP seniors basketball tourney 2nd round elims, kung saan nagwagi uli ang ADMU, 84-50, para 12-0 rekord.

Marami ang mga nagtatanong kung sino ang makakatalo sa team ni coach Tab Baldwin. At nang natambakan ng Eagles ang Warriors, umalma naman si coach Lawrence Chongson.

Sinabi niya na ang dahilan ng kanilang pagkatalo ay dahil sa palit ng palit ng mga coach ang koponan niya.

Sa nakaraang 10 taon, maraming coach ang humawak sa UE. Ilan rito sina Derek Pumaren, Jose Silva, Lawrence Chongson, at Bong Tan. Kaya rin aniya papalit-papalit ang sistema. Tinuturong salarin ni Coach Lawrence ang UE team management, na dapat ay palitan rin aniya.

Sa laro ng Ateneo at UE, nasaksihan sa unang quarter ng laro ang tumamang braso ni UE player Nick Abanto sa ulo ni Ateneo player Wil Navarro sa isang rebound play, kung saan bumagsak si Navarro sinakay sa stretcher at dinala sa ospital.

May mga nagsasabing sinadya ni Abanto ang pananakit kay Navarro. Nagalit ang mga fan at alumni ng Ateneo. Isang grupo nga ng mga abogado ng Ateneo, gustong idemanda ang naturang basketbolistang nakasakit para maturuan ng leksyon anila.

Pinayuhan ko na lang na sumulat sa UAAP Commissioner para i-review ang video at parusahan kung dapat parusahan si Abanto.

Napanonod ko ang insidenteng ‘di natawagan ng referee. Dahil nga sa “jockeying for position” sa basketball, lalo na sa rebound play, ‘di minsan maiwasan ng manlalaro I-ibox out ang kalaban, sa pamagitan ng paglabas ng siko o paa para protektahan ang bola.

Ngunit sa insidenteng ito, medyo napalakas ang swing ng braso ni Abanto. Medyo mahirap ding makita kung meron bang “intent to harm” si Abanto at bakit ‘di tinawagan na personal foul o kaya flagrant foul ang manlalaro. Sa basketball, mataming kasong ganito kasi contact sport nga.

Tao lang ang referee at gumagawa ng judgment call. Pwedeng tama o mali ang tawag, ngunit ang referee ang hukuman sa basketball.. Dapat respetohin natin ang mga tawag nila.

Kahapon, sa pag imbestiga ng UAAP sa incidente, pinatawan ng unsportsmanlike foul si Abanto, at binigyan ng isang larong suspensyon ang manlalaro.

Sana maging leksyon ito sa mga manlalaro ng liga.