Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang isang police officer na sinasabing nanapak ng isang army reservist na volunteer frontliner sa Paoay, Ilocos Norte.

Sa nakalap na report, ayon na rin kay Provincial Director Police Col. Christoper Abrahano, mismong ang army reservist na hindi na pinangalanan ang nagtungo kahapon sa Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) at ini-report ang sinapit mula kay Police Lt. Aldrin Sadian.

Dahil dito’y agad ni-relieve si Sadian.

Ayon kay Abrahano, nadismaya ito matapos malaman noong Martes pa nangyari ang insidente pero hindi man lamang nag-report sa kanya ang chief of police sa bayan ng Paoay.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon na posibleng hindi nagustuhan ni Sadian ang hindi umano pagrespeto sa kanya ng Army Reservist gaya ng pagtayo ng huli nang paparating ito sa pwesto nila kung saan nagsasagawa ng checkpoint.

Posibleng sampahan ng criminal at administrative charges si Sadian kung saan pwede din umano itong ma-demote o tuluyang maalis sa serbisyo.