Narinig pa ng 15-anyos na binatilyo ang matinding pag-ubo at panginginig na buong katawan ng kanyang ina bago nadiskubre ang bangkay nito, kamakalawa ng umaga sa Paco, Maynila.

Wala nang buhay ng makita ni Adrianne, 15, ang kanyang ina na si Amapola Cruz Mararac, 47, masahista at residente ng 1679 Interior 7, A. Linao Street, Paco, Maynila dakong alas-nuwebe ng umaga.

Sa imbestigasyon, nabatid sa Manila Police District-Police Station 5 na dumaranas ng hypertensive activity ang biktima at may mga iniinom na itong maintenance medicine para sa sakit.

Hanggang dakong alas-tres ng madaling-araw nang mapansin ni Adrianne na nanginginig at iniihit ng matinding ubo ang kanyang ina.

Muling natulog si Adrianne, pero nang magising ito ay nakita na lang nitong patay na ang kanyang ina.

Naniniwala naman ang pamilya ng nasawi na walang foul play sa insidente.