Huli sa akto ang isang ginang na gumagamit ng shabu kasama ang limang lalaki habang nagpapadede rin ng kanyang anak sa loob ng kanilang bahay na nagsisilbi umanong drug den, sa Quezon City kahapon nang madaling-araw.

Kinilala ni Talipapa Police Station 3 commander Supt. Alex Alberto ang naarestong ginang na si Emma Alvarado, 45-anyos, single mother at nakatira sa Pingkian St., Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Kasamang naaresto rin sina Rodante Basit, 45; Wilfredo Cardona, 26; Domiciano Lipa, 37; Joel Faller, 36; at Reggie Marzon, 41, pawang residente ng nasabing barangay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Neil Christian Cyrus Franco ng Talipapa Police Station, dakong alas-2:46 ng madaling-araw nang salakayin ang tahanan ni Alvarado matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya na ginagamit itong drug den.

Isa umanong opisyal ng barangay ang nakatanggap ng reklamo mula sa mga residente na may nagsasagawa ng drug session sa bahay ni Alvarado kaya humingi sila ng responde sa Talipapa Police Station.

Pagdating sa lugar ng mga pulis ay nahuli umano sa aktong gumagamit ng droga ang lima katao, kabilang si Alvarado na nagpapadede pa ng anak.

Nabatid na anim ang anak ni Alvarado na 2-anyos ang pinakabata at 17 taong gulang ang panganay.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng langhap pa ng mga bata ang droga dahil napakaliit lang ng bahay nila.

Sa himpilan ng pulsiya ay mariin namang itinanggi ni Alvarado na gumagamit siya ng droga habang nagpapadede pero inamin nito na nagtutulak siya para may pangtustos sa kanyang anim na mga anak.