Nakatakdang patingnan sa espesyalista si Lina Gabriel, ang ina ng 14-anyos na si Reynaldo de Guzman alyas ‘Kulot’ na nakitang palutang-lutang sa isang creek noong Setyembre 5, matapos na mapansing tila lagi itong tulala, wala sa sarili at nagiging pabago-bago na rin ang mga naibibigay na pahayag.

Matatandaang sinabi nito (Lina Gabriel) na isang MJ na kaibigan umano ni Kulot at nang napatay ng mga pulis na si Carl Angelo Arnaiz, 19-anyos, ang nagsabi sa kanya na may plano ang mga nasawing kabataan na mangholdap.

Ngunit kamakalawa, mariing itinaggi ni MJ at ama nito na may ganung sinabi ang una sa ina ni Kulot.

Samantala, ipinasok na rin naman sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) ang mga magulang ni Kulot. Subalit ayaw na munang magpapanayam ng mga ito sa media at nais lang muna umano nilang magdalamhati.
NBI nagsuri na

Sinuri na kahapon ng umaga ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lugar kung saan umano napatay sa engkwentro ng mga pulis si Carl noon Agosto 18 sa Lungsod ng Caloocan.

Bagcal inalok ng WPP

Inalok ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na maipasailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) ang taxi driver na sinasabing hinoldap umano ni Carl.

Ani Aguirre, nakahanda silang tulungan si Tomas Marleo Bagcal basta ilahad nito ang kaniyang nalalaman sa pagpatay kay Arnaiz.