Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang sanggol at dalawang kapatid na bata nang pagtatagain ng kanilang sariling ina na nakaranas ng postpartum depression (PPD) at pagkatapos ay sinaksak naman nito ang sarili Miyerkules ng umaga sa bayan ng Basud, Camarines Norte.

Idineklarang dead on arrival sa pinagsugurang Camarines Norte Provincial Hospital dahil sa mga taga sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang magkakapatid na sina Mitzuki Magistrado, 5-anyos; Zuyen Chase, 1 taong gulang at ang apat na buwang sanggol na si Zoe.

Samantala nasa malubhang kalagayan naman sa nabatid ding pagamutan ang suspek na ina ng mga biktima na si Joan Magistrado, 28, nang saksakin nito ang sarili ilang minute matapos todasin ang tatlong anak na pawang mga residente ng P-1 Barangay Pinagwarasan ng nabanggit na bayan.

Sa inisyal na ulat na ipinadala ni Police Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 5, naganap ang insidente dakong alas-10:00 ng umaga sa loob ng bahay ng mag-iina.

Sa ulat ng pulisya, inatake ng postpartum depression (PPD) ang suspek dahilan upang patayin nito ang kanyang mga anak sa pamamagitan ng pananaga sa mga ito.

Ang PPD ay isang sintomas na nararanasan ng isang ina na bagong panganak, kadalasang lumalabas ang ganitong kondisyon mula 4 hanggang 6 na linggo pagkatapos manganak ng isang ginang pero may mga kaso din na huli na itong nararanasan makalipas ang ilang buwan katulad ng nangyari sa suspek.

Ilan sa mga sintomas ng PPD ay sobrang kalungkutan, hindi masyadong nakakatulog at hindi masyadong nakakakain.

Hindi naman sinabi sa ulat kung nasaan ang asawa ng suspek na ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya.(Edwin Balasa)