Umaasa si Cleveland Cavaliers forward Larry Nance Jr. na itutuloy ang 2019-20 NBA season, kinansela noong March 12 matapos mag-positibo sa coronavirus si Rudy Gobert ng Utah Jazz.

May mas matindi pang dahilan kaysa sa basketball kaya “hoping” si Nance.

Gusto niyang papirmahan muna ang biniling jerseys nina Vince Carter at Carmelo Anthony.

Astig!

Jersey ni Carter sa Toronto Raptors, kay Anthony sa Denver Nuggets.

“One of the biggest reasons I want this season to continue is because I had bought a Vince-Raptors and a Melo-Nuggets jersey to ask them to sign for me,” tweet ni Nance, dinugtungan ng laughing emoji.

Magre-retire na si Carter pagkatapos ng 74th season. Una siyang naglaro sa Raptors noong 1998.

Kung hindi na itutuloy ang season, huling laro na ni Carter noong Mar. 12 nang i-host ng kanyang Atlanta Hawks ang New York Knicks sa 136-131 panalo ng mga dayo.

Noong November ay bumalik sa NBA si Anthony matapos ang higit isang taon ding walang mapuntahang team. Kinuha siya ng Portland Trail Blazers.

Tatapusin sana ng Cavs ang season kontra Hawks at Blazers.

Nag-donate si Nance ng tig-$50,000 sa Greater Cleveland Food Bank at Akron-Canton Regional Food Bank pang-ayuda sa mga nabiktima ng COVID-19. (VE)