Nandito na ako! — Almazan

Game 1 Finals sa Enero 7:
(Smart Araneta Coliseum)
7:00pm – Ginebra vs Meralco

SA unang dalawang pagtatapat ng Ginebra at Meralco sa PBA Governors Cup Finals, ipinagwasiwasan nina Japeth Aguilar at Greg Slaughter ang mga big men ng Bolts.

Hindi kinaya ni ­Allen Durham si Justin Brownlee, at itinaas ang Gins ang back-to-back titles ng 2016 at 2017 ­conference.

Noong May, nabingwit ni coach Norman Black ang matagal na niyang hinahanap na tatao sa gitna – si Raymond Almazan mula Rain or Shine na pinalitan ng Bolts ng 2019 at 2021 draft picks.

Sa pangatlong installment ng karibalan sa finale ng season-ending ­conference ngayong 2019, mag-iiba ang ihip ng hangin.

“Sa dalawang finals nila, wala silang big man. Nandito na ako ngayon, medyo mapapadali na trabaho sa amin,” paniniguro ng 6-foot-7 slotman.
Bago natapos ang October, nasilo pa ng Meralco ang isang shooter kay Allein Maliksi mula Blackwater.

Makakapaglaro si Almazan sa loob, makakadiskarte si Durham at may nakaabang na Maliksi, Baser Amer at Chris Newsome sa labas.

Pero may Stanley Pringle, Jeff Chan at Jared Dillinger din ang Ginebra. Si Pringle ay nakuha sa trade mula NorthPort, pumirma si Dillinger sa Gins bilang unrestricted free agent ng Bolts.

Pero ang focus ay kay Almazan, ang inaasahang pupuno sa missing link na big. Ganado raw siya sa match-up kina Slaughter at Aguilar sa paint.
“Gusto ko ‘yun kasi mga big man talaga,” giit ng dating MVP ng Letran. (Vladi Eduarte)