Dahil sa bigong pagbabayad ng inuutang na shabu ay pinagsasaksak hanggang mapatay ng umano’y kanyang supplier na tulak ang isang lalaking lulong sa ilegal na gamot sa Malabon City kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat nina PO3 Julius Mabasa at PO1 Joenel Claro ng Malabon City Police alas-2:45 ng madaling-araw umano nang maganap ang insidente malapit lamang sa bahay ng biktimang si Marlon Olivarez sa Paradise Village, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod.
Bago umano ang insidente ay pinuntahan ng isang hindi pa nakikilalang lalaking suspek ang biktima sa kanilang bahay upang singilin sa utang nitong pera sa shabu na kanyang in-order.
Ngunit dahil walang pera ay wala umanong maibigay ang biktima kaya nauwi sa mainitang pagtatalo ang paniningil.
Ilang sandali pa ay bumunot na umano ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ng anim na beses sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima.
Bagamat marami nang tama ay nagawa pa ring makatakbo ng biktima patungo sa People’s Park Basketball Court na noon ay may mga tao pa upang humingi sana ng tulong.
Ngunit naabutan pa rin siya ng suspek saka muling inundayan ng dalawang saksak sa dibdib na agaran na niyang ikinasawi.
Matapos ang insidente ay agad ding tumakas ang salarin.