Dear Atty. Claire:
Good morning po Atty. Claire. Gusto ko lang po sanang humingi ng payo sa inyo tungkol sa problema ko. Nahuli ko po kasi sa Messenger namin ang pangangaliwa ng asawa ko sa akin at hindi naman niya ito itinanggi.
Tanong ko lang po, puwede ko ba siyang kasuhan ng adultery dahil dito?
Sakali po ba ay mawawalan siya ng karapatan na lumapit sa anak namin? May nakuha rin po ako na pag-uusap nila sa phone at ang kanyang confession sa akin.
Sana po matulungan n’yo ako sa aking problema.
Salamat po,
Ariel
Mr. Ariel:
Ang kasong adultery ayon sa Revised Penal Code ay:
“Adultery is committed by any married woman who shall have sexual intercourse with a man not her husband and by the man, who has carnal knowledge of her knowing her to be married, even if the marriage be subsequently declared void.” (Article 333 of the Revised Penal Code).
Kung mayroon kang ebidensiya at testigo na magpapatunay na siya ay nakikipagrelasyon at nakikipagniig (sexual act) sa ibang lalaki ay malamang na siya ay mahuhusgahan na guilty sa kasong adultery.
Kung ang lalaki na kalaguyo ay alam na ang babae ay may asawa ngunit pinagpapatuloy pa rin ang imoral na relasyon ay makakasama siyang makakasuhan sa kasong adultery.
Ang testimonya ng messenger ninyo at ang pagtatapat niya ng katotohanan sa iyo ay maaaring sapat na upang siya ay masabing guilty.
Ang isang ina ay mawawalan din ng karapatan na mabigyan ng karapatan sa kustodiya sa bata kapag napatunayan na imoral at ito ay hindi magandang ehemplo sa mga bata.
Ayon sa Article 213 of the Family Code, “[n]o child under seven years of age shall be separated from the mother, unless the court finds compelling reasons to order otherwise.”