Hindi naman palengke at wala ring tindang isda sa Department of Health (DOH) at Philippine Cha­rity Sweepstakes Office (PCSO) pero bakit kaya nasambit ng isa nating dayuhang kurimaw na nagbabakasyon sa Pilipinas na, “he smell something fishy” sa dalawang ahensiya?

Pero bago natin pag-usapan ang “malansang isda,” ipagdasal natin ang mabilis na pagba­ngon ng Batanes sa nangyaring lindol doon na kumitil na ng siyam na buhay at marami ang nasugatan. Bukod pa doon, marami rin ang naapektuhang pamilya na hindi kaagad pina­balik sa kani-kanilang bahay dahil kailangan pang suriin kung ligtas pa nilang balikan.

Kung tutuusin, hindi naman sobrang lakas ang lindol pero dahil marami sa mga bahay at gusali [tulad ng simbahan] ang mga sob­rang luma na, madali itong napinsala ng pag­yanig ng lupa. Bukod doon, madaling-araw nang mangyari ang lindol kaya marami ang nadaganan sa kanilang mga bahay.

Marami rin ang nagulat sa nangyaring lindol dahil kilala ang Batanes na playground ng mga bagyo na kayang-ka­yang harapin ng mga tao doon. Pero kung handa sila sa ulan, lumitaw na hindi sa pagyanig ng lupa. Sana ay matulungan agad ng pamahalaan ang mga mamamayan ng Batanes na makabangon agad sa nangyaring kalamidad at makumpuni ang mga matatandang gusali na bahagi ng kasaysayan na napinsala ng lindol.

Bukod sa lindol sa Batanes, marami rin ang nagulat sa biglang pag-anunsyo ni President Mayor Digong Duterte na tigil muna ang ope­rasyon ng pasugal o number games ng PCSO dahil daw sa anomalya. Pero hindi lang ang mga operator ng lotto outlet ang nangangamba ngayon sa utos ng Pa­ngulo kung hindi ang mga kapus-palad na humihingi sa PCSO ng ayudang pinansiyal para sa pagpapagamot at pagpapaospital.

Sabi naman ng pamunuan ng PCSO, tuloy pa rin naman daw sa ngayon ang kanilang pagbibigay ng cha­rity assistance. Pero ang malaking tanong, hanggang kailan? Hindi biro mga tsong ang perang kinikita ng PCSO sa mga number games nito tulad ng lotto. Kaya kung talagang kolokoy ang mamahala sa ahensiya, hindi malayong may mangyari ngang anomalya.

Hiling ng isang na­ting kurimaw na dayuhan na tumataya rin ng lotto, sana raw ay bilisan ang imbestigasyon sa kung sino ang nangungurakot sa pera sa PCSO kung mayroon man, at huwag naman daw sanang matigil ang charity assistance sakaling magtagal ang imbestigasyon.

Isa pang dapat im­bestigahan nang mabuti ang DOH kasunod ng lumabas na ulat ng Commission of Audit (COA) tungkol sa milyong-milyong ha­laga ng mga gamot na hindi naipapamigay at mag-e-expire na. Aba’y napakarami nating kababayan, lalo na sa mga malalayong lalawigan ang namamatay dahil sa kawalan na ng doktor sa kanilang lugar, wala pang gamot na mainom.

Sabi ng COA, umabot sa P18.4 bilyon ang halaga ng overstocked drugs at medicines na hindi pa naipamimigay ng DOH. Ang naturang halaga ay mas malaki pa kaysa sa mga nagdaan daw na mga taon: P16 bilyon noong 2017; P11.3 bilyon noong 2016; at P10 bilyon noong 2015.

Noong 2017, itinalaga ni Pangulong Mayor Digong na DOH secretary itong si Francisco Duque.

At sa isang privilage speech ni Sen. Ping Lacson nitong Lunes, inakusahan si Duque ng conflict of interest matapos daw na makakakuha ng dalawang kontrata sa DOH ang pharmaceutical firm ng pamilya nito. Pero si­yempre, itinanggi ng opisyal ang anumang alegasyon ng katiwalian. Gaya ng ginawang pagdadawit din sa kaniya sa alingasngas sa pondo ng PhilHealth.

Para magkaalaman, sabi ng ating kurimaw, dapat na magkaroon ng masusing im­bestigasyon sa pondo ng ahensiya lalo pa’t kalusugan ng mga tao ang nakataya. Hindi ba nakaka-high blood na makarinig ng mga balita na dalawang ahensiya ng pamahalaan na takbuhan ng mga hikahos na may sakit ang inaakusa­hang may nagaganap na katiwalian? Kung totoo, aba’y mukhang hindi natatakot ang mga hinayupak sa ka­sabihang karma? La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”