Nasawi ang walong taong gulang na batang lalaki matapos mabundol ng sasakyan at tinakasan pa ng drayber nito habang nagka-caroling ang biktima kasama ang ilang kaibigan sa Pasig City kamakalawa nang gabi.
Bandang alas-7:10 ng gabi nang mangyari ang insidente sa panulukan ng Rayos Compound at Bernal St., sa Brgy. Rosario kung saan nagka-caroling ang hindi na pinangalanang biktima nang bigla itong mahagip ng sasakyan.
Pero, sa halip na huminto at saklolohan ang nasagasaang bata ay pinaharurot ng drayber ang sasakyan.
Sa takot ng kanyang mga kasama ay umalis sila at agad na ini-report sa barangay ang nangyari sa biktima.
Isinakay ang biktima sa ambulansya ng Pasig Emergency Unit at isinugod sa Pasig General Hospital pero idineklara itong dead on arrival ng attending physician na si Dr. Rodolfo Sabater.
Hindi pa mabatid kung anong klase ng sasakyan ang nakasagasa sa biktima.
Ayon kay PO2 Jerry Balansay, may hawak ng kaso, sinusuri na nila ang lugar na pinangyarihan ng insidente para malaman kung may nakakabit na CCTV monitor upang matukoy ang sasakyan na nakasagasa sa biktima na makakatulong para maaresto ang drayber nito. (Vick Aquino)