Isang assessor ng Lungsod ng Antipolo ang dinakip nang mabistong nanghingi umano ng P164,000 sa isang babae na nagpatayo ng isang mixed-used building sa siyudad kapalit ng pagpapababa ng binabayarang buwis sa lokal na pamahalaan.
Sa report, lumapit ang biktima na kinilala lamang sa alyas na ‘Sara’ kay dating mayor Jun Ynares sa gitna ng pulong sa mga opisyal ng Homeowners Association (HOA) sa Kingsville Subdivision sa Brgy. Mayamot, Antipolo City.
Nag-abot ng maikling liham si ‘Sara’ kay mayor Ynares sa pulong ng HOA, kung saan idinetalye niya ang naging karanasan niya sa suspek na kinilalang si Josephine Caritativo city assessor ng Antipolo.
Agad na nakipagkoordina si Ynares sa mga pulis at katuwang ang biktima ay nagsagawa ng entrapment operation kung saan nahuli ang suspek nang abutan ito ng marked money sa Dunkin’ Donuts, Kingsville, Marcos Highway Brgy. Mayamot.
Ikinapikon ito ng dating alkalde dahil giit nito matagal niyang ipinaglalaban ang malinis na pamumuno sa Antipolo, na itinutuloy ngayon ng kasalukuyang alkalde na si Mayor Andrea ‘Andeng’ Ynares.
“Hindi natin tinotolerate ang ganitong ugali ng korapsyon sa lungsod. Mayor pa ako noon, nangako ako na lilinisin ko ang Antipolo laban sa mga korapsyon at katiwalian,” pahayag ng dating alkalde.
Napag-alaman na mahigit tatlong dekada na, o 33 taon nang naninilbihan si Caritativo sa Antipolo bilang assessor.
Agad namang nag-utos si Mayor Andeng Ynares ng malawakang imbestigasyon sa assesors office, para alamin kung may kasabwat ang suspek sa loob ng tanggapan.
“Pinakilos na natin ang investigating arm ng LGU para alamin kung sinu-sino ang kanyang kasama. We do not tolerate these acts,” pahayag ni Mayor Andeng Ynares.