Nangulit sa sobrang selos pinatay sa 1 bala

Nasawi sa isang bala lang ang isang security guard matapos barilin ito sa ulo ng kanyang pinagselosang pinsan at paulit-ulit na kinumpronta, kahapon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.

Namatay noon din, ang biktimang si Jhunuel Repollo Galvez, 21, stay-in security guard ng Torque Security Agency na matatagpuan sa UNIDIZ Suites Building, sa 883 ­Carola Street, Barangay 454, Zone 45, District VI, sa Sampaloc.

Tinangka namang tumakas pero naaresto rin ang suspek na si John Carlo Repollo, 18, pinsan at kasamahan sa trabaho ng biktima, at residente ng Barangay Kaligayahan, Jungi Street, Zabate Subdivision, Fairview, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PO3 Ryan Jay Balagtas, ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), dakong alas-12:15 ng hatinggabi nang maganap ang krimen sa loob ng UNIDIZ Suites Building, na sinasabing nag-ugat sa matinding selos.

Nalaman na nagsi­mulang magselos ang biktima nang makipag-communicate ang kanyang nobyang si Thea Yagis sa suspek may tatlong araw na ang nakaka-lipas.

Naghinga pa umano ng sama ng loob ang girlfriend sa suspek tungkol sa dalawang taong relasyon nila ng biktima.

Nang malaman ng biktima ang ginagawa ng nobya ay nagselos at kinumpronta ang suspek.

Nabanggit ng suspek kay Yagis ang ginawa sa kanya ng pinsan at sa galit nito (Yagis) sa biktima ay ipinasiyang makipagkalas.

Lalo namang nagalit ang biktima at muling kinumpronta ang suspek, na nauwi sa kanyang pananakit dito.

Naawat ang dalawa pero pagsapit ng madaling-araw ay muli umanong tinangkang la­pitan ng biktima ang suspek, habang naka-duty ito sa kanyang pwesto, upang kumprontahing muli.

Dito na napikon ang suspek at tinanggal ang magazine sa kanyang service firearm at nagtira lamang ng isang bala sa baril, saka pinutukan ang pinsan sa ulo, na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Narinig naman ng mga barangay tanod ang putok ng baril kaya nagtungo sila sa gusali pero bumalik din ng barangay hall nang walang makitang kakaiba sa lugar.

Gayunman, nang makita nila ang suspek na tila balisa at kahina-hinala ang kilos ay kaagad nila itong hinabol at naaresto sa kanto ng M. Dela Fuente at España Boulevard.