Nangurakot sa SAP ipakukulong ko talaga – Duterte

Hindi patatawarin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga lokal na opisyal na nangurakot sa ayudang dapat ay mapunta sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang mensahe sa bayan nitong Martes ng gabi makaraang i-report ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na mayroong 183 barangay official ang iniimbestigahan at 48 na mayor ang pinagpapaliwanag kaugnay sa distribusyon ng Special Amelioration Program (SAP).

Sinabi ng Pangulo na nagbabala na siya noong una pa man na huwag haluan ng kalokohan ang pamamahagi ng ayuda dahil kailangan ito ng mga mahihirap na tao.

Mayroon aniyang batas na magpaparusa sa mga opisyal na gagawa ng kalokohan at titiyakin nitong makukulong ang mga ito.

“Sinabi ko sa inyo hindi ko kayo patatawarin kapag nagkamali kayo dito. And when you begin to mess up with the law, I will see to it that you go to prison,” anang Pangulo.

Batay sa DILG, dagsa ang report sa kanilang tanggapan laban sa mga lokal na opisyal na hindi naging maayos ang pamamahagi ng tulong pinansiyal, at may mga video rin ng umano’y lantarang panghihingi ng ilang barangay official ng parte sa natanggap na ayuda ng mga benepisyaryo.(Aileen Taliping)