Nangutang ng pamasko; Ginang hinoldap, pinatay pag-uwi

Tinarakan

Naging dahilan pa ng kamatayan ng isang ginang ang inutang na pera na ilalaan sanang pamasko sa kanyang pamilya nang matagpuan itong tadtad ng taga at saksak sa Gumaca, Quezon noong Biyernes ng hapon.

Nadiskubre ng isa niyang kabaranggay ang wala ng buhay na biktimang si Berlin Guzon Obligado, 27, residente ng Brgy. Hardinan na nakabulagta sa ilang na lugar sa Sitio Nalubog.

May mga tama ito ng taga sa batok, likod at mga kamay.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, posibleng hinoldap ang biktima nang hindi pa nakikila­lang salarin dahil nawawala ang bag nito na naglalaman ng hindi matukoy na halaga ng pera.

Ang biktima na Barangay Nutritionist Scholar (BIN) ng kanilang barangay ay nakapag-loan umano ng pera sa ARDC’s Finance, isang microfinance network na nagpapautang sa mga magsasaka sa mga malalayong barangay at kanayunan.
Binantayan umano ng suspek ang biktima habang ito ay papunta sa kanilang sakahan dala ang bag na naglalaman ng pera.

Posible umanong nanlaban ang biktima o kaya ay nakilala nito ang salarin kaya ito pinatay.

Ayon sa Gumaca police, tinutugis na nila ngayon ang kanilang person of interest na hinihinalang may kagagawan sa krimen bagama’t itinanggi muna nilang ibunyag ang pangalan. (Ronilo Dagos)