Agosto noong isang taon kami dapat magbubukas ng negosyo. Pero ipinagpaliban namin ito ng Disyembre, base na rin sa payo ng mga nakatatanda.
Hindi raw kasi magandang magsimula ng negosyo o anumang pagkakakitaan sa buwan ng Agosto.
Sa mga Chinese nakuha ng mga Pilipino ang paniniwalang malas ang hatid ng tinaguriang ‘ghost month’ o ang ika-pitong buwan sa lunar calendar.
Ngayong taon, nagsimula ang ‘ghost month’ noong August 1 at magtatapos sa August 29.
Ayon sa mga feng shui expert, katumbas ng ‘All Saints Day’ o ‘All Souls Day’ ang festival na ito ng mga Tsino. ‘Yun nga lang, isang buwan itong ginugunita sa kanila.
Base sa sinaunang kuwento, pinakakawalan ang mga espiritu tuwing ‘ghost month’. Nagugutom at nauuhaw raw ang mga naturang elemento. Kaya madalas silang naghahanap ng puwedeng makainan at mainuman habang nasa mundong ibabaw.
Negative energy, sickness, misfortune at bad luck ang pinaniniwalaang ikakalat ng ‘hungry ghosts’.
Kaya maraming Chinese ang nag-aalay ng masasarap na pagkain at inumin.
Hindi naman daw kailangang maging magastos para makontra ang bad vibes na hatid ng ‘ghost month’.
Ayon sa ilang feng shui experts, magbalot ng asin sa pulang tela at ilagay sa bulsa – mabisa raw itong pangontra sa malas.
Maliban sa asin, puwede ring bawang ang ibalot sa pulang telang ibubulsa – takot daw rito ang masasamang espiritu.
Takot din daw sa luya ang bad spirits. Talian daw ng pulang tela o sinulid ang luya, saka isabit sa bag.
Mainam din daw kung magsusuot ng pulang damit o magdala ng matitingkad na gamit gaya ng panyo at bag – effective daw itong pantaboy ng malas.
Dahil uhaw ang mga espiritu, iwasan din daw mag-swimming. Mas attracted daw ang bad spirits sa mga matubig na lugar.
Iwasan din ang new activities at dangerous sports.
Hangga’t maaari, huwag magpakasal sa ‘ghost month’. Kung na-set na ang date, itakda ang seremonya sa umaga hanggang tanghali.
Ipagpaliban din ang medical procedure dahil baka tumagal daw ang recovery period.
Iwasan ding ang air at sea travels.
Wala namang mawawala kung maniniwala tayo sa mga nakaugaliang tradisyon. Ang sa akin lang, dasal at pananampalataya pa rin ang pinakamabisang solusyon ng mga taong namomroblema sa buhay.