Isang swimming instructor ang nasa malubhang kalagayan ngayon matapos na barilin ng dalawang mga hindi pa nakikilalang mga holdaper nang magtangka itong manlaban sa mga ito sa Lungsod ng Malabon kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng Malabon City Police partikular na nina SPO1 Alexander Dela Cruz at PO3 Roger Gonzales ay ganap umanong alas-5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa kanto ng C4 Road at Pampano Street, Barangay Longos ng nasabing lungsod.
Kasalukuyan umano noong nagpapa-vulcanize ang biktima sa nasabing lugar at hinihintay ang kanyang motorsiklo nang dumating ang mga suspek sa bandang likuran niya at tinutukan pa siya ng baril ng isa sa mga ito.
Pilit na kinukuha ng mga suspek ang belt bag ng biktima na naglalaman ng kanyang wallet na may lamang pera, mobile phone at iba pang mga personal belongings.
Ngunit hindi naging madali sa mga suspek na makuha ang kanilang pakay dahil nanlaban ang biktima dahilan upang barilin na siya ng isa sa mga suspek.
Sugatan man ay nagawa pa ring protektahan ng biktima ang kanyang gamit at nagawa ring makasakay sa kanyang motorsiklo na noon ay ayos na saka umalis at nakauwi pa sa kanilang bahay.
Mabilis ding nagsitakas ang mga salarin lulan ng isang motorsiklo patungo sa Pampano Street ng nasabi ring lugar.
Agad namang naisugod sa Chinese General Hospital ng kanyang anak na babae ang biktima na isinailalim sa surgical operation.
Samantala, patuloy pa ring pinaghahanap ang mga suspek upang papanagutin sa ginawang krimen.