Nanlaban sa police operation, nabutas ang katawan

Nagkabutas-butas ang katawan ng 10th most wanted person provincial level na dating Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) matapos manlaban sa isinagawang police operation dahil sa kasong murder sa San Antonio, Cabagan, Isabela noong Martes.

Nakilala ang napatay na si Antonio Garro, magsasaka, dating kasapi ng CAFGU, ng San Antonio ng nasabing bayan.

Bago isinagawa ang operasyon, nakatanggap ng intelligence report ang Cabagan Police Station (CPS) na ang suspek ay nagtatago sa isang safehouse sa Brgy. San Antonio.

Agad namang kumilos ang operating unit ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Branch (PIB), Isabela, Police Provincial Office (IPPO) at Regional Intelligence Division (RID) at CPS.

Ayon sa pulis, nang makatunog ang suspek sa presensya ng mga operatiba, bigla nitong pinagbabaril ang mga miyembro ng operating unit ng mga pulis.

Dahil dito’y gumanti ang mga awtoridad ng putok ng baril laban kay Garro.

Sa search operation ng mga pulis sa bahay ni Garro, narekober ang isang M-16 Rifle na may mga bala, ilang magazine ng M16, at iba pang kagamitang pang militar. (Allan Bergonia)