Isang lalaki na umano ay sangkot sa ilegal na kalakaran ng ipinagbabawal na gamot at serye ng holdapan ang patay matapos umanong manlaban at makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa Navotas City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat nina PO3 Philip Edgar Valera at PO1 June Paolo Apellido ng Navotas City Police-Homicide Unit, ala-1:30 pasado ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Chungkang Street, Barangay Tanza ng nasabing lungsod habang nagsasagawa ng anti-criminality surveillance operation ang mga awtoridad at naaktuhan ang suspek na kinilala lamang sa pangalang Edward.

Naglalakad-lakad umano sa lugar ang suspek na tila may hinihintay habang may nakasukbit na baril sa tagiliran kaya nilapitan ito ng mga pulis ngunit sa halip na makipag-usap ay bigla umano nitong binunot ang kanyang baril at pinaputukan ang pulisya na mabuti na lamang at walang tinamaan.

Doon na napilitan ang mga alagad ng batas na gantihan ng putok ang suspek na nauwi sa agaran nitong kamatayan.

Narekober sa suspek ang isang .38 caliber na baril na loaded pa ng tatlong live bullets at plastic sachet ng hinihinalang shabu na inaalam pa ang dami.