Patay ang isang holdaper nang manlaban sa mga awtoridad matapos na mangholdap sa isang empleyado ng hotel sa Ermita, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Dead on the spot sanhi ng dalawang tama ng bala sa katawan ang suspek na si alyas “Andak”, nakasuot ng kulay blue na t-shirt, brown camouflage na short pants, tinatayang 25-30-anyos at may taas na 4”10.
Sa report ni Det. Michael Marragun ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, ala-1:45 ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa Muelle Del Rion St., Lawton, Manila.
Nauna rito, alas-12:30 ng madaling-araw, nag-aabang ng masasakyan pauwi ang biktimang si Mary Joy Pedrina, 31, dalaga, Front Desk personnel ng Grand Opera Hotel nang sumulpot ang armado ng balisong na suspek at puwersahang tinangay ang kanyang bag saka umalis.
Nag-report naman ang biktima sa Barangay 660, na siyang nagreport sa Police Community Precinct (PCP)-Lawton at isinagawa ang follow-up operation kung saan ay naabutan ang suspek pero nanlaban sa mga aarestong kagawad ng pulisya.