Nanlimas sa bus natunton sa haybol

Naaresto ng mga awtoridad ang isa sa dalawang umanong nangholdap ng isang pampasaherong bus sa Quezon City kamaka­lawa ng umaga sa isinagawang follow-up operation kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), alas-4:30 ng madaling-araw nang parahin at holdapin ng dala­wang armadong kalalakihan ang isang pampasaherong bus ng Seven Sky Express Liner Bus na may plakang TYR 554 sa northbound lane na sakop ng Efipanio Delos Santos (EDSA) ng nasabing lungsod.

Nakilala ang isa sa mga suspek na si Allan de Chavez, 28-anyos ng Sitio Tanglaw, Brgy. San Isidro, Lungsod ng Antipolo matapos na positibong kilalanin ng mga pasahero ng bus na nabiktima nila sa ipinrisinta sa kanilang rogue gallery sa himpilan ng pulisya.

Agad na nakipag-koordinasyon ang mga tauhan ng QCPD sa pulisya ng Antipolo na mabilis ding tumungo sa bahay ni Chavez at naaresto ito. samantala sa interogasyon kay Chavez, napag-alaman ang kanya umanong kasabwat na nakatakas ay nakilala lamang sa alyas na Bonyok.

Nasa kabuuang P50,000 halaga ng salapi bukod pa ang mga iba pang kagamitan ang nakulimbat ng dalawang suspek sa mga pasahero ng kanilang hinoldap bus.

Sa ngayon ay patuloy pa ring pinaghahanap ang isa pa sa mga suspek.